Sunday, June 20, 2021

I was Scolded for being a Zombie.

 

Zombie. No brains. Yan ang tawag ko sa sarili ko kapag puyat ako at kulang sa tulog. Hindi nagfufunction ng maayos ang utak ko at parang luatang ako sa mga pangyayari at mga kaganapan.  Walang self-direction, hindi ko alam kung ano na ang gagawin unless may magpaalala at magsabi sa akin kung saan na ako patutungo.

24hours duty. Magsisimula ng alas sais ng hapon at matatapos ng alas sais ng hapon, kinabukasan. Matindi ang labanan ngayon duty na ito. Ang daming positibo. Walang gabi na wala kaming admission. Napupuno ang mga kwarto, laging may lipatan ng mga pasyente sa iba’t ibang kwarto dahil nga pinagsasama na ang mga positibo. Labindalawang oras na duty at puro pawisan palagi pagkalabas ng mga infected area. Pitong araw na puro pang gabi ang aming shift  at mayroon pa kaming 24hoursduty after seven days of night shift. Kaliwat-kanan na bahagi ng  ospital may positibo. At ngayong 24 hours, maraming nangyari.

May buntis na naman. Isa sa pinaka ayaw ko. Buntis. Buntis ngayong pandemya. Hindi kasal sa asawa. Baka mapanghusga lang ako at dapat ko iyon tanggalin sa aking sistema. Hindi ko naman pinapakita sa mga pasyente ko na ayaw ko sa sitwasyon nila,pero hirap ang kalooban ko kapag sila ang bibigyan ko ng kalinga. Iresponsable. Yan ang nasa isip ko. Minsan ay napapamura pa ako sa station. Tangina. May buntis na naman. Sa gitna ng pandemya. Sa gitna nga mga nag-uubuhan na pasyente. Sa gitna ng mga nakakahawang virus. May buntis. Alagain ang buntis. Madaming nararamdaman. At ang partikular na buntis na ito. Mataas ang bp, manas at malakas manigarilyo. Sana nga lang  ay nagative siya para malabas na siya ng COVID ward.  Gabi siya dumating. Mahaba ang duty na ito, bukod sa bente kwatro oras ang duty ko, may buntis. Lahat ng buntis na magpopositibo sa COVID19 ay subject for cesarean section. At siya ay nagnegatibo, siya dapat ay ililipat. Kailangan siyang malipat. Naririnig ko ang mga doktor na nagsasabi na siya ay dapat ng ilipat dahil siya ay mahahawa lamang ng COVID19, ngunit pangit ang baga niya. Pangit nag kodisyon niya. Mayroon na siyang ubo. Pero dapat pa rin siyang ilipat. Nasa lugar siya na kung saan ay napapalibutan ang kwarto niya ng mga positibo.

Mabilis na pangyayari. Madami pa na dadating na mga pasyente. Kailangan ng ilabas ang buntis. Hindi pa siya manganganak. At dahil siya ay negatibo, kailangan na siyang lumabas. Nagsulat na ng  order ang isang doktor na maaari na siyang lumabas. Nakausap ko na ang paglilipatan. Pinalabas ko na ang pasyente dahil handa na ang lahat. Tinawagan ko na ang supevisor para magkaroon ng tao na magtatraffic ng paglabas ng pasyente. Ngunit nung pagkakataon na iyon ay pinatigil ng mga supervisor ang paglipat. Negatibo ang pasyente. Hindi pwede ilipat sa extension ng mga COVID ward. Kinausap ng supervisor ang OB ward na mayroong kwarto na walang pasyente na doon. Doon na lang ilalagay ang pasyente. Nasa labas na ang buntis. Marami pa ang papasok na pasyente. Tinawagan ko ang OB ward. Doo na ilalagay ang pasyente. Kinausap na sila ng supervisor. Mabilis na pangyayari. Nailipat na doon ang buntis. Pangit ang baga niya.

Zombie. Wala pa akong tulog. Nailipat na ang buntis. Mabilis na pangyayari. Tumawag ang doktor ng mga buntis, bakit hindi nasunod ang kagustuhan niya. Nagdepensa ako sa mga ginawa ko.Hindi ko desisyon ang lahat. May nagdesisyon para sa akin. Sumunod lang ako.  Mabilis ang mga naganap. Malungkot ako. Galit siya. Ayaw ko ang pakiramdam na may galit sayo. Sumisikip ang dibdib ko. Parang sinasakal ang paghinga ko. Tanginang buntis yan.

Lumagpas ang limang araw. Binabalikan pa rin ako ng bente kwatro oras na duty ko. Ngpositibo ang buntis. Mukhang madami ang nahawa, ngunit kasabay din ng pagkahawa ng mga staff ay mga pagkahawa ng mga kasamahan din nila sa bahay nila. Laganap ang pagpakahawa sa labas kaya hindi natin masabi kung ang buntis ba ang nakahawa at maaga lang ang pagkakaswab sa kanya o galing sa labas na dala ng mga staff galing sa mga pamilya niya. Naguguluhan na ako. Hindi ko na din alam. Nakita ko si doktor. Galit siya. “Tignan mo kung anong ginawa mo” , sabi niya.

Nalulungkot ako. Marami ang nahawa sa OB ward. Kasalanan ko ba? Ako ba yun? Dahil ba sa akin? Duty pa ako. Ang sakit sa ulo. Para akong sisipunin na hindi naman. Parang sasakit ang ulo ko na hindi naman. Nai-stress na ako. Parang gusto ko ng matapos ang duty na ito. Nalulungkot ako sa mga nangyayari. Dark days. Napakadilim ng  buong ospital. Parang may isang malaking ulap na itim ang nakapaibabaw sa ospital na ito. Dark days. Malungkot ang mga balita. Nakakabahala ang mga nahahawaan na kakilala ko na staff. Nakakaawa. Ang palabas pa ng pabatid ay tila kasalanan pa ng mga staff kung bakit sila nahawa. Nakakalungkot. Sana matapos na ang duty na ito.

Ikalawang araw ng quarantine. Nabalitaan namin nagpositibo si doktor. Nakakalungkot. Nagpadala ako ng mensahe sa kanya. Kamusta ka na, sabi ko. Kinakabahan ako sa reply niya. Iniisip ko na galit pa rin siya. Ngunit hindi. Tumawag siya. Positibo siya pero pagaling na. Hindi nakakahawa ang pagkakaroon niya ng virus. Iniisip niya na baka kami, ako ang nahawaan niya. Hanggang ngayon ay wala naman akong sintomas. Hays. Dark days.

No comments:

Post a Comment